-- Advertisements --
DOST
IMAGE | Department of Science and Technology/Bombo Christian Yosores

MANILA – llang Pilipinong virologists ang naghayag na tutulong sa pag-develop ng itatayong Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP).

“I have been receiving emails from Filipinos from outside the country na malapit na matapos (mag-aral) abroad and they are hoping to be part of the VIP,” ani Department of Science and Technology Usec. Rowena Guevara sa isang media forum.

Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2021, may alokasyong P283-million ang proyekto na VIP. Layunin nitong makapaglunsad ng natatanging research center sa Pilipinas para sa virology.

Ayon kay Guevara, sa ngayon maraming virologist para sa hayop at halaman ang bansa. Ang kulang daw ay ang mga dalubhasang nag-aaral sa mga virus ng tao.

“Wala talagang nag-ooffer ng virology na course MS (masters) or PhD (doctorate) dito sa Philippines, so most of the virologist na Pilipino were foreign trained and because we were not pursuing that track of research before, most of them went abroad and so the capacity was not developed.”

Bumuo na raw ng advisory committee ang DOST sa ilalim ng kanilang Balik Scientist Program para makahikayat ng iba pang Pinoy virologist na nasa ibang bansa at makatulong sa bagong programa ng pamahalaan.

Sa ngayon may anim na Pilipinong virologist nang nakakausap ang Science department.

“Many scientists are not really after the money and the glory, but its more of the scientific mind, the curiosity and inquisitiveness, yun talaga ang nangingibabaw. Yun talaga ang motivation ng most scientists.”

Paliwanag ni Guevara, mahalaga na may sariling pag-aaral din na ginagawa ang Pilipinas pagdating sa mga virus. Makakatulong daw kasi ito para mapigilan ang pagputok ng posibleng susunod na pandemya.

“We have been experiencing pandemics and epidemics for humans in the last 20 years, parang umiikli na yung panahon in between. So we believe that we need to develop our own studies especially for viruses that are endemic sa Pilipinas  like lepstospirosis, kailangan natin ng nag-aaral. Meron tayong pag-aaral pero hindi umaabot sa development ng vaccines.”

Higit 45 taon nang ipinapatupad ng DOST ang Balik Scientist Program, at aabot sa 563 Pinoy scientists na raw ang napauwi ng naturang programa.

Taong 2018 nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Balik Scientist Act, na dinisenyo para makahikayat pa ng mga Pilipinong dalubhasa sa ibang bansa na umuwi kapalit na mas magandang mga benepisyo.

Kabilang sa mga probisyon ng batas ay ang exemption ng Balik Scientists sa mga requirements ng Professional Regulation Commission; at tax ng mga gamit o materyales na kanilang ido-donate sa DOST.

“Accident and medical insurance covering the duration of the engagement awarded by the DOST; (and) reimbursement of expenses for excess baggage allowance related to scientific project activities.”

“Exemption from renouncing their oath of allegiance to the country where they took the oath, unless the Balik Scientist after the service decides to repatriate and retain the government position, as applicable.”