BAGUIO CITY – Proud na ibinahagi ng Pinay na nagwagi sa isang international photo contest na cellphone lamang ang ginamit niya para naman makuhanan ang kanya award-winning photo.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Analiza Daran De Guzman mula Binangonan, Rizal, ibinahagi nito na dahil nasira ang kanyang DSLR camera habang siya ay nagbabakasiyon sa Palawan noong 2016, ay cellphone na lang muna hanggang sa kasalukuyan ang kanyang ginagamit para kumuha ng mga larawan.
Inamin rin naman ni De Guzman na hindi siya photographer at libangan lang ang kanyang pagkuha ng mga litrato.
“Passion ko na talaga ang photography for 10 years na. Pero dahil nasira nga ang camera ko, nag focus ako ngayon sa mobile photography. Hobby ko lang siya. Nasira ito nung nag El Nido kami ng family ko. Nalaglag siya sa tubig.”
Ang tema nga ng nasabing kompetisyon ng Agora ay #Water2020, at ibinida ni De Guzman ang kanyang “Thirsty Ants” photo na pinuri rin maging sa social media.
Ang nasabing trending at award-winning photo ay kuha nga lang ng kanyang cellphone na may clip-on macro lens.
“Yung napanalunan ko sa Agora, sa dahon lang ng mangga. Naglagay ako ng tubig. Hindi ko inaasahan na mananalo siya, kasi magaganda talaga yung kuha ng mga kalaban ko na mula sa iba’t-ibang bansa. Tapos magaganda yung mga camera nila.”
Sinabi pa ng Pinay na dahil sa kanyang pagkapanalo ay nalaman niyang hindi naman pala kailangan ng napakaganda at mamahaling camera para makakuha ng magandang mga larawan, at naniniwala siyang dapat ay patuloy na lumahok ang mga Pilipino sa iba’t ibang mga international competitions.
“Yung iba kasi naghahanap pa ng ibang gadget. Kung anong meron kayo, kung ang gamit niyo lang ay phone, aralin lang nila. Practice lang. Practice lang ng practice.”
Nag-uwi naman ang Pinay ng $1,000 o katumbas ng P50,000 bilang premyo.