-- Advertisements --

Sasabak sa World Sambo Championships sa Serbia sa Nobyembre ang four-time Pinoy World Sambo bronze medalist na si Sydney Tancontian Sy.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Sambo athlete mula Davao, ibinahagi nito na puspusan na ang kaniyang paghahanda para sa nasabing kompetisyon at malaki ang pasasalamat nito na mabigyang muli ng pagkakataong maidala ang pangalan ng Pilipinas kahit sa gitna ng pandemic.

“Very blessed po and syempre, napakaswerte na kahit papano po, makakasama ako doon at makakapag-compete po ako. Kasi ngayon po, sobrang hirap talaga ng walang competition, kasi hindi ka maka-train, kasi parang hindi mo mame-measure kung saan ang dapat i-improve mo pa.”

Ang World Sambo Championships sa Serbia ay ang huling pagkakataon na lalahok sa junior level si Sydney kasunod ng mga bronze medal finishes na nakuha nito noong 2019 World Youth and Juniors Sambo Championships sa Uzbekistan, World Sambo Championships noong 2018 sa Romania, gayundin sa 2019 Sambo World Cup Kharlapiev Memorial Competition sa Moscow, Russia at World Sambo Championships sa Seoul, South Korea.

Si Sydney Tancontian Sy ay ang pinaka-unang nakapagbigay ng world achievement sa Pilipinas Sambo Federation at sa South East Asian Region sa larangan ng Sambo sport.