-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inaasahang magbabalik-normal sa unang linggo ng susunod na buwan ang klase at pasok sa opisina at ibang trabaho sa China dahil sa 2019 novel coronavirus.

Ito ang iniulat sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo international correspondent Rose Garcia na isang Pinay English teacher sa Heilongjiang, China.

Ayon kay Garcia, mayroon na umanong ipinalabas na memorandum ang Ministry of Education ng China na manatili muna sila sa kanilang mga tinutuluyan ngayong buwan upang hindi sila maapektuhan ng nasabing virus.

Sa kabila nito, tiniyak niya na maayos ang kalagayan ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa China dahil ginagawa naman umano ng pamahalaan ng nasabing bansa ang lahat ng paraan upang maiwasang kumalat ang nCoV.

Kaugnay nito, hiniling niya sa publiko na tigilan na umano ang panininisi sa mga Chinese nationals hinggil sa paglaganap ng nasabing sakit dahil hindi naman umano nila ito ginusto.