Nakikita ng Philippine Embassy sa Moscow na posibleng makaranas ng kaunting issue ang mga Pilipino sa Russia sa pagpapadala ng pera sa anilang mga kaanak sa Pilipinas.
Ayon sa Philippine Embassy, nahaharap kasi sa sanctions ang mga malalaking bangko sa Russia tulad ng Central Bank, VTB at Sverbank kasunod ng pagsalakay sa Ukraine.
Bukod sa mga sanctions na ipinataw ng western countries, nagpataw din ang Russia ng kanilang sariling countersanctions.
Gayunman, sinabi ng Philippine Embassy na pinayuhan sila ng VTB na sinisikap na nito sa ngayon na mabawasan ang mga issues na kinakaharap ng kanilang mga kliyente, partikular na ang pagwi-withdraw o pagpapadala ng pera overseas.
Nakahanda rin anila ang Russian Central Bank na magbigay ng financial support sa mga bangko na napasailalim sa sanctions.
Nangako naman ang mga bangko na papatawan ng sanction na ipagpapatuloy nila ang kanilang normal na mga gawain at magbibigay din ng customer support, lalo na sa mga operations na gamit ang ruble currency.
Pinayuhan ng Philippine embassy ang mga nakakaranas ng mga issues sa kanilang financial transactions na makipag-ugnayan lamang sa customer support ng kanilang mga bangko.