Pumalo na sa P3.11 billion ang pinsalang iniwan ng bagyong ‘Kristine’ sa agrikultura batay sa panibagong datos na inilabas ng Department of Agriculture.
Sa ulat ng ahensya ang mga lubhang napinsala sa agrikultura ay ang bigas na tinatayang aabot sa 152,440 metric tons, sunod ang mais na may 1,461 metric tons, cassava na mayroong 126 metric tons at para sa high-value crops, na mayroong 6,014 metric tons.
Bunsod nito, apektado rin ang mga alagang hayop na aabot sa 2,862 sa mga ito ang nasawi habang 98 na mangingisda naman ang apektado rin.
Bilang tugon, sinabi ng DA na magbigay ito ng P541.02 milyong halaga ng agricultural input mula sa mga field office nito para sa mga apektadong rehiyon.
Nauna nang inanunsyo ng ahensya noong Sabado na magbibigay din sila ng P1 bilyon sa pamamagitan ng Quick Response Fund upang matulungang makabangon ang mga apektadong lugar.
Makakatanggap din ang mga magsasaka ng hanggang P25,000 mula sa Recovery Loan Program ng DA, na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon nang walang interest.