-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Milyun-milyong pinsala ang iniwan ng bagyong Paeng sa industriya ng abaca sa lalawigan ng Catanduanes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes PDRRMO assistant officer Andro Facundo, sinabi nito na umaabot sa P134.9 million ang danyos sa abaca plantation habang P1.6 million naman ang fiber loss.

Aniya, halos lahat ng abacaleros ay naapektuhan hindi pa man nagkakaroon ng typhoon signal sa lalawigan dahil sa mga pag-ulan.

Ikinalungkot ni Facundo ang nangyari lalo pa’t kakasimula pa lamang bumangon ng abaca industry matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama noong 2020 sa island province.

Malaking tulong aniya ang industriya ng abaca sa pagbangon ng ekonomiya ng Catanduanes dahil umaabot sa P150 million hanggang P200 million ang pumapasok na kita kada buwan sa happy island bilang ‘abaca capital’ ng Pilipinas.

Samantala, sa kasalukuyan patuloy pa rin ang pamimigay ng relief goods sa mga residenteng naapektuhan ng pananasala ng naturang bagyo.