-- Advertisements --

Pumalo na sa mahigit P11 billion ang halaga ng pinsala ng bagyong Paeng sa sektor ng agrikultura at imprastruktura sa bansa.

Sa ground situation update mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), matinding sinalanta ang mga agricultural land sa Western Visayas na nakapagtala ng P1.8 billion, sinundan ng Cagayan Valley region na nasa P1.2 billion at Bicol region na nasa P924 million.

Ang kabuuang halaga na ng pinsala sa agrikultura ay lomobo na sa halos P6.2 billion as of November 10.

Pagdating naman sa sektor ng imprastruktura, mahigit P5 billion na ang kabuuang halaga ng pinsala.

Nasa P1.5 billion ang pinsalang naitala sa Calabarzon habang nasa P793 million ang pinsala sa Bicol region.

Halos 48,000 kabahayan naman ang napinsala sa mga sinalantang rehiyon sa bansa.

May mga lugar pa rin na hindi pa naibabalik ang linya ng komunikasyon.

Sa ngayon nakataas ang state of calamity sa apat na rehiyon dahil sa resulta ng iniwang pinsala ng nagdaaang bagyo.