-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Pumalo pa sa P170.9 million ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa rehiyong Bicol dulot pa rin ng El Niño.

Ayon kay Department of Agriculture Bicol spokesperson Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang naturang tala ay naberipika na ng tanggapan subalit maaari pang madagdagan dahil tanging ang mga lalawigan pa lamang ng Masbate at Albay ang naisailalim sa beripikasyon.

Nasa P30.3 million ang inisyal na pinsala sa lalawigan ng Albay habang nasa P140 million naman sa Masbate.

Paliwanag ng opisyal na tinitingnan pa ng tanggapan kung kaya pang maisalba ang mga pananim o tuluyan ng napinsala ang mga ito dahil sa matinding init ng panahon.

Aniya, may sapat na buffer stock ng mga banhi ng palay at mais ang Department of Agriculture Bicol na handang ipamahagi sa mga apektadong magsasaka subalit aminadong hindi ito mapapakinabangan sa ngayon dahil sa panunuyo ng mga water sources sa mga apektadong lugar.

Sa kabila nito ay siniguro ni Guarin na hindi magkukulang ang suplay ng bigas sa rehiyon lalo pa at inaaasahan ang pag-ani ng nasa 600,000 metric tons ng palay ngayong buwan ng Abril hanggang Mayo.