CENTRAL MINDANAO – Umaabot na umano sa P3 bilyong ang pinsala sa ekonomiya sa Kidapawan City sa nangyaring lindol.
Ito ang kinumpirma ni Psalmer Bernalte ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Marami mga tindahan ang pansamantalang nagsara dahil kailangan pang sumailalim sa inspeksyon ng Office of the Building Official at ng City Engineering Office ang kanilang mga gusali.
Kabilang rito ang mga shopping mall, grocery centers, mga bangko, restaurant, hotel, food chain, at marami pang iba.
Nagkakahalaga ng 750 milyon pesos ang Eva’s Hotel sa Kidapawan City na kailangang sumailalim sa demolition.
Bilyon na ang nalugi sa may-ari ng Eva’s Hotel na gumuho sa lakas nang pagyanig.
Malaking halaga ang nawala sa City-LGU sa mga sisingiling buwis sa mga nagsarang establisemento.
Pansamantalang nagsara ang Gaisano Grand Mall, Yongson Shopping Mall, Unitop, Mang Inasal, Jollibee, Sugni Superstore, Prudenciado Building, Sepol Building, UCPB, at marami pang iba dulot ng mga bitak sa kanilang gusali.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagsusuri ng City LGU sa pinsala ng lindol sa siyudad.