PINSALANG INIWAN NG SHEAR LINE SA DAVAO REGION, UMABOT NA SA P70-M
Unread post by bombodavao » Tue Jan 23, 2024 6:51 am
DAVAO CITY – Umabot na sa mahigit P70 milyon ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa Davao Region matapos ang malakas na pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa dulot ng Shear Line.
Sa datos na inilabas ng OCD XI, humigit-kumulang P50M ang pinsala sa sektor ng agrikultura kung saan ang Davao Del Norte ang pinaka-apektado; at mahigit P20M sa imprastraktura na higit na apektado sa Davao De Oro.
Maliban dito, 16 katao ang binawian ng buhay, habang lima rin ang naitalang sugatan sa insidente.
Ayon kay Office of the Civil Defense 11 Regional Director Ednar Dayanghirang, 12 katao ang nasawi sa Davao de Oro, 2 sa Davao City, 1 sa Davao Oriental at 1 sa Davao Occidental para sa kabuuang 16 na indibidwal.
Kabilang sa mga nasawi ay 87 -taong gulang na may kapansanan na senior citizen na hindi nakalabas nang mangyari ang landslide sa Mati City, Davao Oriental.
Mayroon pa ring 134,879 pamilya o 606,483 indibidwal ang naiulat na apektado ng baha sa ibang bahagi ng rehiyon.
Sinabi rin ng opisyal na talagang nahihirapan sa paglipat ng mga tahanan ang maraming apektadong pamilya at dapat itong pag-aralan nang mabuti ng regional disaster council at regional development council.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng tanggapan ang mga long term solution kasama na ang iba’t ibang hakbang bilang paghahanda kung muli tayong makakaranas ng malakas na pag-ulan.
Nagsimula na rin sa nasbaing tanggapang ang Rapid Disaster Assessment and Needs Analysis o RDANA.