-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Umabot sa mahigit-kumulang P18 milyon ang naging pinsala ng sunog na sumiklab sa isang charging station ng electric trike o e-trike sa Sitio Diniwid, Barangay Balabag sa Isla ng Boracay.

Ayon kay FO1 Sky Salutin, arson investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Boracay, nasa 40 hanggang 50 pampasaherong e-trike sa parking lot ng Core E-Trike Motors Corporation ang naabo sa sunog. Nadamay pa dito ang dalawang bahay at isang sari-sari store.

Nasa 10 e-trike lamang umano ang naipalabas ng mga tauhan ng naturang establisimento dahil mabilis na kumalat ang apoy sa lakas ng hangin sa lugar.

Nagsimula ang sunog dakong alas-2:32 ng madaling-araw at umabot ng isang oras at kalahati bago ito naapula o eksaktong alas-4:10 ng umaga.

Nakatulong rin umano sa pag-apula ng apoy ang pag-bayanihan ng mga residente sa lugar at fire responders sa isla.

Wala namang napaulat na nasugatan sa insidente.

Aminado ang BFP na bahagyang nahirapan sila sa pagresponde sa lugar dahil maliban sa makitid na daan ay marami pa ang mga mababang kable.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng apoy at sanhi ng sunog.