-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng Department of Agriculture (DA) na hindi makakaapekto sa pangkalahatang supply ng kape at cacao sa bansa ang pagkasira ng mga pananim na ito sa Batangas dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal.

Sinabi ni DA Usec. Ariel Cayanan, unang-una ay hindi naman 100 porsiyento na nakadepende ang bansa sa local produce ng cacao at kape.

Ayon pa kay Usec. Cayanan, bagama’t kilala ang Batangas sa kapeng barako, mayroon namang iba’t ibang uri ang kape gaya ng Liberica, Arabica at Robusta, habang sa Batangas ay iba-iba ang pananim doon.

Maliban dito, marami pa ring ibang napagkukunan ng kape at cacao tulad sa Davao, Mindanao at maging ang highlands ng Baguio.

Inihayag ni Usec Cayanan na 10.91 percentlang ng pananim na kape sa Batangas ang apektado ng pagsabog ng Taal Volcano, habang 0.03 percent naman sa cacao.

Sa P21.7 million na halaga ng crops at livestock na ipamamahagi ng DA sa 17 local government units sa Batangas, kabilang dito ang 5,000 mother plants ng kape at cacao seedlings.
Top