LAOAG CITY – Pumalo na sa mahigit P1-bilyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa pananalasa ng bagyong Ineng sa Ilocos Norte.
Sa huling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), umabot na sa mahigit P998-milyon ang halaga ng mga nasira sa imprastraktura habang halos P46-milyon sa agrikultura.
Nadagdagan rin ang bilang ng mga barangay na lubhang naapektuhan kung saan sa huling datos ay umabot na sa halos 170; at 9,873 na pamilya o 41,618 na indibidwal.
Una nang nagkaroon ng pagpupulong sina Social Welfare Sec. Rolando Bautista, Agriculture Sec. William Dar, Governor Matthew Marcos-Manotoc at si Melchito Castro, pinuno ng Office of Civil Defense – Region I sa provincial capital hinggil pa rin sa pananalasa ng bagyong Ineng sa lalawigan.