Pumalo sa P13.33 million ang halaga ng pinsalang iniwan ng serye ng malalakas na lindol sa Davao del Sur at Cotabato noong nakaraang linggo pagdating sa agricultural infrastructures.
Ayon sa Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction Management (DA-DRRM) Operations Centers ang initial cost ng pinsalang iniwan ng naturang mga lindol na P4.55 million ay umakyat na sa P13.33 million.
Ito ay dahil na rin sa mga karagdagan pang mga pinsalang naiulat sa Davao del Sur kamakailan.
Kabilang sa mga naitalang pinsala ay sa mga rice processing centers, solar-powered irrigation systems, DA guest houses, research experiment station, office and laboratory buildings, DA bunkhouses, cold storage, banana chips processing facility, farm-to-market roads, diversion dams, at warehouses.
Sa ngayon, sinabi ng DA na nagpapatuloy pa rin ang kanilang Regional Field Offices (RFO) 11 at 12 sa pagsasagawa ng assessment sa mga pinsalang iniwan ng lindol.
Sa kabilang dako, nagpapatuloy din ang pagbibigay nila ng relief support sa mga biktima ng pagyanig, katuwang ang iba’t ibang government at non-government agencies.