Pumalo na sa Php 3.16 billion ang katumbas na halaga ng napinsalang agrikultura nang dahil sa pananalasa ng bagyong Paeng sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling datos ng Disaster Risk Reduction Management Operations Center ng Department of Agriculture, lumobo na sa 197,811 metric tons ang volume ng production lass ng bansa.
Saklaw nito ang nasa 84,677 ektarya ng mga agricultural area sa iba’t-ibang rehiyon na sinalanta ng bagyong Paeng kabilang na ang Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, at Soccsksargen.
Iniulat din ng naturang ahensya na umabot na rin sa 83,704 ang bilang ng mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng nasabing kalamidad.
Ito ang dahilan kung bakit lubhang apektado rin ngayon ang bilihin sa bansa kabilang na ang palay, mais, high-value crops, palaisdaan, livestock, at poultry.
Habang nasira rin ang ilang agricultural infrastructure, machinery, at equipment.
Samantala, sa kabilang banda naman ay tiniyak ng kagawaran na sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin ang pagdagsa ng tulong para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Kabilang sa mga tulong na ipinapaabot sa kanila ay ang Php1.74 billion na halaga ng butong palay, Php11.57 million na halaga ng corn seeds, at Php20.01 million na halaga ng iba’t-ibang binhi ng gulay.