-- Advertisements --

Kasalukuyan pang ina-assess ang pinsalang natamo ng barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Pagbuaya na 2 beses na binombahan ng water cannon at ginitgit ng China Coast Guard vessel malapit sa Bajo de Masinloc noong Disyembre 4.

Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi ni Philippine Coast Guard spokeperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na inaantay pa ang pagdating ng BFAR vessel sa pantalan sa Bataan para matasa ang lawak ng pinsala sa barko.

Nauna na ngang kinumpirma ng opisyal ang naturang agresyon mula sa 3 China Coast Guard vessels at 2 Peoples’ Liberation Army Navy vessels habang nagsasagawa ang BFAR vessel kasama ang PCG vessels ng routine maritime patrol sa naturang bahura para suportahan ang mga Pilipinong mangingisda doon.

Sa kabila naman ng insidente, matagumpay pa rin na naipamahagi ng PCG at BFAR ang suplay na langis at mga pagkain sa mga mangingisdang Pilipino na nasa Bajo de Masinloc at Escoda shoal.