Pumalo na sa halos Php45-million na halaga ng pinsala sa imprastraktura ang tinamo ng ilang bahagi ng Cagayan matapos ang pagtama ng magnitude 6.3 na lindol doon.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Office of the Civil Defense, umabot na sa Php44.65-million ang halaga ng infrastructure damage ang naitala nito sa Dalupiri Island, Calayan, Cagayan.
Sa ulat mayroong 42 mga paaralan sa lalawigan at tatlong kabahayan sa Calayan ang napinsala, habang nasa 43 mga pamilya o 174 na mga indibidwal naman ang naapektuhan ng nasabing lindol kung saan nasa 20 pamilya o 98 indibidwal naman ang kasalukuyang nananatili ngayon sa mga evacuation centers.
Samantala, sa kaparehong ulat ay mayroon ding limang indibidwal ang naitalang nasaktan, ngunit wala namang mga nasawi at naitalang nawawala nang dahil sa nasabing pagyanig.