Pumalo na sa mahigit P2 bilyon ang pinsala sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa matapos manalasa ng Severe Tropical Storm Kristine kung saan nag-iwan pa ito ng halos isang libong pasilidad sa elementarya at high school na kailangan ayusin.
Lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na kahapon, 730 na paaralan ang nasira dahil sa pagbaha at 34 na paaralan, karamihan sa Bicol Region, ang tinamaan ng landslide.
863 na nawasak na silid-aralan ang nangangailangan ng pagsasaayos na nagkakahalaga ng P2.1 bilyon at 1,026 na silid-aralan ang nangangailangan ng major repairs na nagkakahalaga ng P513 milyon.
Nawalan din ang mga paaralan ng 381,551 ng mga materyales sa pag-aaral kabilang ang mga computer at libro at 17,575 school furnitures, tulad ng mga mesa, appliances at upuan.
Sa kabuuan, sinabi ng DepEd na halos 43,000 mga paaralan at opisina ang na-expose sa bagyo, ibig sabihin ay nasa loob sila ng mga lugar kung saan nagbigay ng babala ang mga awtoridad laban sa pagbaha, malakas na pag-ulan, storm signal at panawagan para sa pre-disaster risk assessment.
Sinabi ng DepEd na nasa 21.4 milyong estudyante at halos 900,000 mga guro at manggagawa sa paaralan ang nasa mga lugar na ito.
Nauna nang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang DepEd ay may access sa P2 bilyon hanggang P3 bilyon para sa calamity funds na maaaring gamitin sa pagkukumpuni at pag-rehabilitate ng mga nasirang silid-aralan.