-- Advertisements --

Tumaas pa sa P2.3 billion ang halaga ng pinsalang iniwan dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton sa sektor ng agrikultura.

Sa huling typhoon bulletin mula sa Department of Agriculture (DA), nakapagtala na ng 54,013 magsasaka at mangingisda na apektado ng pinsala ng bagyo kung saan pumapalo sa 70,064 metric tons ang volume ng production loss at 25,632 ektarya naman ang agricultural lands ang napinsala mula sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen at Caraga.

Ayon sa DA, ang pagtaas sa kabuuang pinsala at nawala sa sektor ng agrikultura ay dahil sa napaulat na karagdagang napinsalang maisan, palay, high value crops, livestock at fisheries sa Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga gayundin ang bagong naitalang pinsala sa palay, mais, high value crops at agricultural infrastructure sa Bicol Region at Davao Region.

Lubhang apektadong produkto ang bigas kung saan nasa P947.3 million ang halagang nawala matapos na masira ang nasa 23,208 ektarya ng lupa at volume loss ng 56,095 metric tons.

Sinundan ito ng fisheries kung saan nasa P778.6 million ang halaga ng nawala at apektado dito ang nasa 2,585 mangingisda.

Patuloy naman ang pakikipagugnayan ng kagawaran sa mga concerned national government agencies, LGUs at iba pang disaster risk reduction and management-related offices hinggil sa impact ng bagyong Agaton at available resources para sa interventions at assistance sa mga apektadong residente.