Lumobo pa ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa bagyong Egay at Falcon sa bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong araw ng Sabado, ang pinsala sa agrikultura ay pumapalo na sa P2.75 billion.
Ito ay tumaas ng halos P1 billion mula nitong nakalipas lamang na araw.
Bunsod nito, apektado ngayon ang kabuhayan ng nasa 117,033 magsasaka at mangingisda sa buong bansa na nag-iwan ng mahigit 143,429 ektarya ng nasirang mga pananim.
Sa datos din ng ahensiya, nananatili sa mahigit 3.03 million mga residente ang apektado pa rin ng pananalasa ng nadaang mga bagyo.
Sa partial data, nasa 29 katao na ang nasawi kung saan karamihan sa napaulat na casualties ay mula sa Cordillera Administrative Region, 165 ang nagtamo ng injuries at 11 ang napaulat na nawawala pa rin.
Kabuuang 232 lungsod at bayan naman ang nakasailalim pa rin sa state of calamity.