LEGAZPI CITY- Pumalo na sa P41.24 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa rehiyong Bicol dala ng mga pag-uran na epekto ng shearline at mga nagdaang low pressure area.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lovella Guarin ang tagapagsalita ng Department of Agriculture Bicol, pinakamalaking pinsala ang naitala mula sa mga nasirang palayan sa lalawigan ng Sorsogon na umaabot sa P15.1 milyon.
Sinundan yan ng Masbate na may P9.6 milyon, Albay sa P2.4 milyon, Camarines Sur na may pinsalang nasa P3.8 milyon para sa mga nasirang high value crops habang P4.8 milyon ang pinsala sa mga irigasyon sa Catanduanes.
Nasa P6.1 milyon naman ang naitalang pinsala sa mga nasirang palaisdaan at pagkalugi ng mga mangingisda.
Kaugnay nito, tiniyak ng ahensya na mabibigyan ng tulong ang nasa 1,200 na mga magsasaka at mangingisda na apektado ng sama ng panahon.
Ngayong Disyembre ay mabibigyan na umano ng P5,000 ayuda ang mga magsasaka na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture habang may mabibigyan rin ng binhi at mga pataba na magagamit sa muling pagtatanim.