Nag-iwan ng malaking halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang pananalasa ng bagyong Julian sa Pilipinas.
Base sa damage assessment ng Department of Agriculture, pumalo na sa P36.34 million ang halaga ng nasirang mga pananim sa 577 ektarya ng agricultural areas sa Ilocos region at Cagayan valley.
Bunsod nito, apektado ang kabuhayan ng nasa 1,000 magsasaka. Bilang tulong, naghanda ang Department of Agriculture ng P143.26 million na halaga ng bigas, mga binhi ng mais at mga gulay na ipapamahagi sa mga apektadong magsasaka.
Samantala, nakabantay naman ang ahensiya sa mga presyo ng mga agricultural commodities para sa posibleng pagtaas sa gitna ng pinsalang natamo ng sektor ng agrikultura dahil sa halos sunud-sunod na pagtama ng bagyo sa bansa.
Gayundin, sa kasalukuyan patuloy pa rin nakakaranas ng masungit na lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa matapos muling pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Julian nitong umaga ng Huwebes.