Iniulat ng Department of Agriculture ngayong araw ng Biyernes na lumobo pa sa P4.39 billion ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas bunsod ng El Niño phenomenon.
Bunsod ng tagtuyot dulot ng weather phenomenon, apektado ngayon ang kabuhayan ng kabuuang 85,232 magsasaka at mangingisda sa 11 rehiyon sa bansa.
Habang nasa 11 rehiyon ang sinalanta ng El Nino kabilang ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, at Soccsksargen.
Nagresulta ito ng pagkasira o pagkatigang ng kabuuang 77,731 ektarya ng agricultural areas.
Pinakaapektado ng El Nino ang palay o bigas na nasa 61.71%, sinundan ng mais na binubuo ng 17.53%.
Habang nasa 19,805 naman ang naapektuhang high-value crops.
Bunsod nito, tinatayang nasa 113,446 metric tons (MT) ang nawala sa produksiyon para sa palay mula sa mga apektadong agricultural areas, 45,995 MT para sa mais, 24,306 MT para sa high-value crops at 41 MT para sa cassava o kamoteng kahoy.
Samantala, patuloy naman ang pamamahagi ng mga intervention ng pamahalaan para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda dahil sa El Nino na pumapalo na sa P2.16 billion.