-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Tinatayang aabot sa P8 million ang danyos na iniwan ng sunog sa isang pension house sa lungsod ng Bacolod kung saan anim ang patay kasama na ang may-ari kahapon.

Ito ayon kay City Fire Marshall Fire Chief Inspector Publio Ploteña base sa natipon nilang mga affidavit kasunod ng sunog sa Java Pension House o ang dating Bascon Hotel sa corner Gonzaga-Locsin Streets, Bacolod City.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng City Fire Marshall kung aksidente lamang ang sunog o talagang sinadya kasunod ng mga reports na may sinilabang mga motorsiklo sa groundfloor ng pension house.

Kahapon ay nakapanayam din ng Bombo Radyo Bacolod ang isang pedicab driver na nagsabing may nakita siyang tatlong lalaki na nagnakaw ng helmet sa groundfloor at sinilaban at itinapon pabalik sa loob.

Sa ngayon ay patuloy din ang imbestigasyon sa talagang naging sanhi ng sunog.

Maalalang kasama sa mga namatay sa sunog ang may-ari ng pension house na si Christopher Java, anak nito na si Miguel, 12; ina na si Magdalena; yaya na si Ronalyn Dacalio; front desk/cashier na si Arnold Filomeno at isang pang lalaki na hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala.