Muling nanawagan sa China si Senadora Risa Hontiveros na pagbayaran ang mga pinsalang ginawa sa paligid ng West Philippine Sea matapos na kumpirmahin kamakailan ng Philippine Coast Guard na ang pagkasira ng mga coral reef sa Rozul Reef at Escoda Shoal ay posibleng sanhi ng Chinese maritime militia vessels.
Dahil dito, naghain si Hontiveros ng Senate Resolution No. 804 na kumukondena sa massive coral harvesting at hinimok din ang naaangkop na komite ng Senado na magsagawa ng pagdinig ukol dito.
Ayon sa Senadora, aabot ng bilyon-bilyon ang makukuha ng bansa kung maoobligang magbayad ang Tsina.
Ninanakawan na aniya nila ng hanapbuhay ang ating mga mangingisda, winawasak pa ang likas-yaman ng Pilipinas.
Giit pa ni Hontiveros, kung mababayaran ng Tsina ang lahat ng utang nito sa Pilipinas, tiyak na makatutulong ito sa kinakaharap nating krisis sa ekonomiya.