-- Advertisements --

Umabot na sa kabuuang P129.39 million ang halaga ng pinsalang idinulot ng Kanlaon eruption sa sektor ng pagsasaka, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ito ay naka-apekto sa kabuhayan ng kabuuang 1,431 magsasaka mula sa Negros Island at nakapinsala sa mahigit 580 ektarya ng mga sakahan.

Malakinbg porsyento ng naturang danyos ay sa sektor ng high value crops na nagtala na ng P124.93 million. Ito ay katumbas ng 5,311 tonelada ng mga agri products.

Sumunod dito ang rice industry na tinatayang aabot sa mahigit tatlong milyong pinsala.

Ang nalalabi ay pinaghati-hatian na ng iba pang industriya tulad ng livestock, poultry, at corn industry.

Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang 771 iba’t-ibang uri ng hayop na inilikas sa mga ginawang evacuation center para sa mga hayop.

Naka-standby naman ang P1 billion na quick response fund ng DA na maaaring magamit sa rehabilitation at recovery ng mga lugar na naapektuhan sa tuloy-tuloy na pag-alburoto ng naturang bulkan.