Umakayat pa sa P2 billion ang kabuuang pinsala ng bagyong Egay at hanging habagat sa bansa.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) spokesperson Edgar Posadas, nitong umaga ng Sabado, Hulyo 29, umaabot na sa P1.19 billion ang pinsala ng bagyo sa sektor ng imprastruktura habang nasa P832 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
Bunsod ng patuloy na malakas na buhos ng ulan at pagbaha na nararanasan sa bansa nasa mahigit kalahating milyon na o 582,000 indibidwal mula sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas ang apektado.
Kaugnay nito, iniulat naman ng OCD official na nasa P35.81 million ang halaga ng tulong na naipaabot ng DSWD, mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya para sa mga apektadong residente.
Inaasahan na magtutuloy pa sa mga susunod na araw ang maulang panahon kasabay ng paglakas ng tropical storm Falcon na pinag-ibayo pa ng hanging habagat bagamat hindi naman inaasahan na mag-landfall ito sa bansa.