-- Advertisements --

Umabot sa mahigit P130 milyon ang kabuuang halaga ng iniwang pinsala ng bagyong florita sa sektor ng agrikultura at livestock sa probinsya ng Cagayan.

Sa panayam kay Rueli Rapsing ng PDRRMO Cagayan, kasabay ng paghagupit ng bagyo ay maraming mga alagang hayop ang namatay kasama na ang mga dumapang mais at nabahang mga palay na hindi na naisalba.

Sa datos ng ahensya, nasa P1,597,000 ang naitalang pinsala sa livestock na kinabibilangan ng iba’t ibang uri ng mga alagang hayop, P40,867,454 sa palay habang sa mais naman ay P64,380,052 kasama na ang P24,823,000 na nasira sa palaisdaan.

Ito na aniya ang listahan na isusumiti nila sa Office of the Civil Defense habang sa ngayon ay patuloy na hinihintay ang report ng Provincial Engineering Office sa pinsala ng bagyo sa imprastraktura.

Sa ulat naman ni Dr. Noli Buen, Provincial Veterinary Officer, may 12 munisipalidad at isang syudad sa Cagayan ang naiulat na naapektohan ang livestock at poultry partikular na sa Tuguegarao City, Alcala, Aparri, Amulung, Baggao, Camalaniugan, Enrile, Gattaran, Iguig, Penablanca, Solana, Sta Teresita at Sto Nino.

Sa pinakahuling datos ay sinabi ni Dr. Buen na nasa higit 2700 na mga alagang hayop ang naiulat na nasawi sa kasagsagan ng bagyo at ito ay kinabibilangan ng mga baboy, kalabaw, kambing, pabo, manok, pato, gansa, pugo at iba pa at nabatid na nasa 315 na mga magsasaka naman ang naapektohan sa nasabing kalamidad.

Samantala, bagamat wala pang datos ang PDRRMO Cagayan sa pinsala sa imprastraktura ay nilinaw ni Rapsing na wala namang mga naiulat na major damages mula sa mga ginagawang proyekto sa Cagayan at wala ring mga gusali ang naiulat na naapektohan.

Sinabi pa nito na sa ngayon ay nasa normal level na ang tubig sa ilog Cagayan habang nakauwi na rin lahat ng mga evacuees sa kani-kanilang mga tahanan.

Nananatiling tatlo ang naiulat na nasugatan matapos madaganan ng mga sanga ng punongkahoy habang isa ang nasawi mula sa bayan ng Sto. NiƱo, Cagayan.

Sa ngayon ay sinabi nito na nakikipag-ugnayan na rin sila sa tanggapan ni Cagayan Gov. Manuel Mamba para sa kaukulang tulong na maaaring ibigay sa mga apektadong magsasaka at mga residente sa probinsya.