-- Advertisements --

Sumampa na sa P1.29 billion halaga ng pinsalang iniwan sa sektor ng agrikultura ng bagyong Karding.

Sa inilabas na latest Bulletin No.5 ng Department of Agriculture (DA), saklaw sa mga apektadong sakahan sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Bicol Region.

Dahil dito, tumaas pa sa 82,158 ang bilang ng mga magsasaka at mangingisda na apektado.

Lumawak pa sa 141,312 ektarya ng agricultural areas ang nasalanta ng super typhoon. Ito ay katumbas ng 72,231 metric tons ng production loss.

Kabilang sa mga apektadong commodities ang palay, mais, high value crops, livestocks at poultry at fisheries.

Bunsod ng paglawak pa ng pinsala sa agrikultura, tinaasan na rin ng DA ang ayuda na ibibigay para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Nasa P27.47 million na ang halaga na inilaan para sa pamamahagi ng rice seeds para sa mga apektadong magsasaka , P13.23 million halaga ng corn seeds at P12.64 million halaga ng assorted vegetable seeds.

Naglaan din ang ahensiya ng P2.45 million halaga ng animal heads, drugs at biologics para sa livestock at poultry.