NAGA CITY- Umabot na sa P1.1-B ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Tisoy sa iba’t ibang paaralan sa Bicol Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay DepEd-Bicol Regional Director Gilbert Sadsad, sinabi nitong ang naturang halaga ang inaasang tumaas pa sa mga susunod na araw dahil may mga lugar aniya na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakapagsubmit ng report dahil sa problema sa kuryente.
Ayon kay Sadsad, umabot sa mahigit 300 ang mga silid-aralan na naitalang totally damage, 535 ang major damage habang mahigit 1,000 naman ang minor damage.
Maliban dito, umabot din aniya sa 6,000 ang mga school furnitures na napinsala na kinabibilangan ng mga upuan at mesa.
Sa learning materials naman gaya ng mga libro umabot din sa 24,000 ang bilang ng mga napinsala.
Ayon kay Sadsad, kasama sa mga lalawigan na may malaking pinsala ang Masbate, Sorsogon at Albay.
Kaugnay nito, ayon sa direktor, sakaling hindi pa kayang pumasok ng mga mag-aaral, wala aniyang problema kung hindi pa sila makasabay sa pagresume ng mga klase sa Bicol sa darating na Lunes, Disyembre 9.
Sa kabila nito, kinakailangan aniya ng mga alternative classrooms para sa mag-aaral na wala ng babalikanng silid-aralan.