-- Advertisements --

Inihayag ni Police Major Alejandro Batobalonos ng Integrity Monitoring and Enhancement Group Visayan Field Unit (IMEG-VFU) na nakatanggap siya ng mga death threats mula umano sa drug lord na nasa loob ng kulungan.

Sinasabing ito umano ang dating live-in partner ni Ritchie Nepumoceno, ang babaeng binaril patay nitong lungsod ng Cebu noong Abril 19.

Inakusahan ni Nepumoceno ang 13 pulis ng Sawang Calero Police Station ng panggagahasa at pangingikil.

Dahil sa banta, doble ingat na si Batobalonos habang inihahanda ang kaso na isasampa laban sa taong nagbanta sa kanya at sa kanyang pamilya.

Sinabi ng hepe ng Police Regional Office (PRO) -7 Police Brigadier General Ronnie Montejo na nakikipagtulungan na sila sa Cebu City Jail upang imbestigahan kung paano ito nakapost ng pagbabanta sa social media.

Samantala, hiniwalay na ang nasabing drug lord sa isang segregation cell at isinailalim sa disciplinary board ng City Jail.

Kinumpirma naman ni jail warden Jail Superintendent Jose Abueva na inamin ng presong bumisita umano noong taong 2019 si Ritchie Nepomuceno ngunit itinanggi niya itong live-in-partner.