Tiniyak ng Golden State Warriors general manager Bob Myers na liligawan pa rin nila sina Kevin Durant at Klay Thompson na mapanatili ang mga serbisyo sa papasok na bagong season ng NBA.
Ang pahayag ni Myers ay sa kabila ng matinding injuries na tinamo ng dalawa nilang superstars na posibleng abutin ng buong taon ang pagpapagamot at rehabilitasyon.
Sina Durant at Thompson ay nakatakda na ring magtapos ang kontrata sa katapusan ng buwan at libre na ring pag-agawan ng ibang mga team.
Pero ayon kay Myers, napakahalaga ng dalawa nilang players sa kanilang organisasyon.
Inihalimbawa pa ng genenal manager na kung pagsasamahin ang pagsabak nila sa Finals sa 10 mga laro ay siyam ang kanilang panalo kung nasa team at aktibo si Durant.
Kaya naman kahit pa raw dumanas si Durant ng ruptured Achilles tendon na tinamo noong Game 5 sa Finals at si Thompson naman ay nakuha ang anterior cruciate ligament (ACL) injury kahapon ng Game 6, pipilitin pa rin nilang kumbinsihin ang mga ito na manatili sa koponan.
“We value those guys at the highest level… I wouldn’t be a very good GM if I didn’t understand how valuable they are to our own team,” ani Myers. “And deserving of being rewarded in the right manner… It’s hard to find high-quality people, and both of them are that. And so you just try to keep those guys within these walls the best you can.”
Ito rin naman ang pananaw ni Warriors head coach Steve Kerr na inaming hindi pa niya alam ang mga plano nina Klay at Durant kung gusto pa ring manatili sa team o hindi na.
Ang nakikita raw ni Kerr, sa kalagayan ngayon ng dalawa importanteng pumirma muli sila ng kontrata para manatili pa rin sa team.
“So I have no idea what Kevin’s going to do. I know that we all want him back. We think this is a great situation for him and vice versa. So hopefully we get him back and keep this thing going with the understanding that he’s a free agent and we want what’s best for him and he’s free to make any choice he wants,” wika pa ni Kerr.
Sa ngayon si Durant ay kumikita ng US$30 million, habang si Thompson naman ay may sweldo na US$18.9 million.
Batay sa record si Stephen Curry ang may pinakamalaking sweldo ngayon sa NBA na umaabot sa US$37.4 million.