-- Advertisements --

Nakahanda na umano ang discharged order laban sa mga kadeteng sangkot sa maltreatment partikular sa kaso ni 4CL Darwin Dormitorio.

Ito ang kinumpirma ni AFP chief of staff Lt.Gen. Noel Clement.

Ayon sa AFP chief hinihintay na lamang nila ang confirmation mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nag-appoint sa mga kadete para tuluyan ng masibak sa AFP Cadet Corps ang mga suspek.

Sa ngayon, mananatili muna sa kustodiya ng PMA ang mga sangkot habang nagpapatuloy ang kasong criminal na inihahain laban sa mga ito ng PNP.

Nasa pitong suspek na ang tinukoy ng PNP na may direktang koneksiyon sa pagmamaltrato kay Cadet Dormitorio.

Inihayag naman ni Clement na ngayong relieved na sa kanilang mga pwesto sina Lt. Gen. Ronnie Evangelista at Brig. Gen. Bartolome Bacarro pansamantala muna silang mag-report sa office of the chief of staff.

Hindi naman masabi ni Clement ang bilang ng mga kadete na naging biktima ng hazing.

Siniguro ni Clement na mananagot ang mga kadeteng sangkot sa maltreatment.

Sinabi ni Clement, tututukan ng bagong PMA commandant na si Rear Admiral Allan Ferdinand Cusi ang pagbabago sa proseso at sistema ng PMA.

Hihingin naman ni Cusi ang tulong ng PMA Alumni na kasamang magpatupad ng mga pagbabago sa loob ng akademya.

Una nang inamin ni PMA Commandant of Cadets Brig. Gen. Romeo Brawner marami pang kadete ang biktima ng hazing marami rin ang naka-confine sa hospital.

Ito ay matapos isagawa ang physical examination sa lahat ng mga kadete.