NAGA CITY – Patuloy pa rin ang pagkalampag ng lokal na pamahalaan ng Naga na malagadaan na nina vaccine czar at Department of Health (DOH) Secretary ang multi-party agreement para sa pagbili ng COVID-19 vaccine ng lungsod.
Kung maaalala, Hunyo 28 pa ng magpadala ng sulat si Naga City Mayor Nelson Legacion kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. at kay Health Secretary Francisco Duque III hinggil sa kahilingan ng lungsod na makabili ng nasa 50,000 doses ng COVAXIN.
Sa naging pagharap ng alkalde sa mga kagawad ng media, sinabi nito na wala pa umano silang natatanggap na kasagutan mula sa dalawang opsiyal, kung saan ang nakarating pa lamang umanong impormasyon sa kanila na natanggap na sa opisina ng mga ito ang nasabing apela.
Aniya, hindi nito malaman kung bakit natatagalan na mapirmahan ang nasabing agreement lalo na kasi mismong ang national government na ang nagsabi sa mga Local Govrernment Units na maglikom ng pondo para sa pagbili ng mga sariling bakuna.
Kung maaalala, isa pa sa mga naging kahilingan ng LGU Naga ang mapasama na ito sa mga lungsod sa Pilipinas na madadagdagan ang pinapadalang bakuna sa kalagitnaan ng pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Samantala, patuloy naman na nananawagan si Legacion sa dalawang opisyal na pirmahan na ang multi-party agreement upang magpatuloy na ang pagbabakuna sa lungsod at matigil na rin ang pagkalat ng COVID-19.
Sa ngayon, kasalukuyang nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions ang lungsod ng Naga hanggang Hulyo 31, 2021.