Balik na sa face to face ang mga plenary session at committee hearings ng House of Representatives simula sa araw ng Lunes, Hulyo 31.
Ito ay kasunod ng inisyung Memorandum Order No.19-019 ni House Speaker Martin Romualdez na naga-atas sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na dumalo ng pisikal sa plenary sessions at committee hearings salig sa Section 71 ng House rules.
Bagamt posibleng papayagan pa rin ng House leader ang pagsasagawa ng committee meetings, conferences o hearings sa pamamagitan ng electronic platforms sa ilang mga pagkakataon.
Ang naturang direktiba ay bilang pagtalima na rin sa Proclamation No. 297 na inisyu ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na naga-alis sa state of public health emergency sa buong bansa dahil sa COVID-19 at alinsunod sa mga panuntunan ang Kamara.
Maaalala na ipinatupad ng House ang paggamit ng teleconferencing sa pamamagitan ng zoom bilang paraan para maipagpatuloy pa rin ang mga tungkulin ng legislative branch noong 2020 nang tumama ang COVID-19 pandemic sa ating bansa.