-- Advertisements --

Agaw pansin sa ibang mga bansa ang paraan ng isang barangay sa Mandaluyong City ukol sa kampanya laban sa Dengue.

Naglunsad kasi ang Barangay Addition Hills ng isang programang may reward na piso para sa bawat limang lamok na mahuhuli.

Ang inisyatiba, na pinangungunahan ng punong barangay na si Carlito Cernal, ay naglalayong pigilan ang pagkalat ng sakit na dala ng lamok matapos tumaas ang mga kaso at pagkamatay dahil sa nasabing sakit.

Bagama’t pinagtatawanan sa social media ang gantimpala, iginigiit ni Cernal na ito ay kinakailangan upang protektahan ang mataong komunidad.

Mula nang ilunsad ang programa, 21 katao na ang lumahok at nakalikom ng 700 na lamok at kiti-kiti.

Kinilala ng Department of health (DoH) ang pagsisikap ngunit hinikayat ang mga lokal na pamahalaan na sundin ang mga standard na estratehiya sa pag-iwas sa dengue.

Ang mga kaso ng dengue ay tumaas sa buong bansa dahil sa mga pana-panahong pag-ulan, na may higit sa 28,000 kaso na naitala noong unang bahagi ng Pebrero.

Pinapayuhan ng pamahalaan ang paglilinis ng kapaligiran, pagtanggal ng mga pinamumugaran ng lamok, at paggamit ng mga proteksiyon na kasuotan at mga pangontra sa lamok.

Ang matitinding pag-ulan ay nagdulot din ng pagtaas ng mga kaso ng trangkaso at leptospirosis.