CAUAYAN CITY – Dismayado ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mody Floranda, chairman ng PISTON na nadismaya sila sa ikalawang SONA ng pangulo dahil hindi man lamang nito nabanggit ang sektor ng transportasyon.
Umasa sila na mababanggit niya ito dahil sa mga isinagawang kilos-protesta sa mga nagdaang araw bago ang SONA pero sa haba ng talumpati ng pangulo ay wala silang narinig.
Wala ring nabanggit ang pangulo tungkol sa mga solusyon na kanyang gagawin sa mga hinaing ng mga mamamayan tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Patunay lamang aniya ito na wala talagang programa ang pangulo para sa mga mamamayang Pilipino at ang kanyang mga programa ay para lamang sa interes ng mga dayuhan.
Wala aniya silang maibibigay na grado sa pangulo dahil wala naman umano siyang nagawa para sa sektor ng transportasyon.
Patuloy ang kanilang panawagan sa hanay ng sektor ng transportasyon na magkaisa para maipaglaban ang kanilang kabuhayan.
Samantala, kasabay ng SONA ay nagsagawa sila ng rally kasama ang aabot sa tatlumpong libong tao na nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth para ipanawagan ang kanilang hinaing.