CAUAYAN CITY – Ikinadismaya ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang sunod-sunod na pagsipa sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Bilang pagpapakita ng pagkundena ay nagsagawa ng pagkilos ang grupo dahil sa higit tatlong pisong umento sa presyo ng mga produktong petrolyo epektibo ngayong umaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON chairman Mody Floranda, sinabi niya na ito na ang ikaapat na umento sa presyo ng mga produktong petrolyo mula noong Hulyo.
Iginiit niya na simula pa pagpasok ng taong 2023 ay wala nang humpay ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo habang mabibilang lamang ang kakaramput na roll back.
Maliban sa higit tatlong pisong umento sa gasolina ay dagdag pasanin nanaman ng mga consumer ang apat na pisong umento naman sa bawat kilo ng Liquified Petroleum Gas (LPG).
Dahil sa sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay suliranin kung paano pagkakasyahin ng mga ordinaryong mamamayan at mga naghahanap buhay na tsuper ang kakaramput na sahod o kita.
Pinangangambahan na ngayon ng grupo na ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay resulta sa plano ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) na magbawas ng dalawang milyong barrel ng krudo.
Aniya napapanahon nang pag-aralan ng pamahalaan ang lahat ng mga kasunduang binuo katuwang ang mga pribadong kumpanya at pangasiwaan ang operasyon ng Malampaya.