Sisimulan ng mga transport group na PISTON at MANIBELA ang kanilang mga kilos-protesta bukas, Abril 15 sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Quezon City at Mendiola sa Maynila sa unang araw ng kanilang dalawang araw na transport strike.
Ibinahagi ni Mody Floranda, national president ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang mga detalye ng kanilang transport strike na magsisimula bukas.
Ayon kay Floranda, ang PISTON at ang Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon, o mas kilala bilang Manibela ay nagkasundo na magtipon-tipon bukas ng umaga sa U.P. Avenue sa Diliman, Quezon City. Mula roon, magpapatuloy ang mga grupo sa pamamagitan ng caravan patungo sa pangunahing tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue bandang ala-una ng hapon.
Tutungo rin ang mga grupo sa Mendiola sa Maynila kung saan inaasahang darating sila bandang alas-3 hanggang alas-4 ng hapon.
Muling iginiit ng PISTON president na hindi sila tutol sa modernisasyon ng mga PUV pero tutol sila sa ilan sa mga regulasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno na sumasaklaw sa mga prangkisa, pagmamay-ari ng mga bagong sasakyan, mga kumpanya kung saan bibilhin ang nasabing mga sasakyan at ang istraktura ng mga kooperatiba na kinakailangan nilang salihan para patuloy silang mag-operate.
Samantala, sinabi naman ni Police Major General Jose Melencio Nartatez, Jr., National Capital Region Police Office (NCRPO) director na magpapakalat ng 7,000 pulis para tugunan ang mga kaguluhan na maaaring idulot ng transport strike.
Hiling ng pinuno ng NCRPO sa PISTON at MANIBELA na magsagawa ng mapayapa at maayos na kilos protesta. Nakikiusap din ito sa mga raliyista na huwag i-harass ang mga PUV na hindi sasali sa welga.
Sinabi ni Nartalzez Jr., na sinusubukan ng pulisya na matukoy ang eksaktong bilang at ang eksaktong mga lugar kung saan gaganapin ang mga aktibidad ng caravan.