Inanunsiyo ng grupo ng transportasyon na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ngayong araw na maglulunsad sila ng tatlong araw na nationwide transport strike simula sa Abril 29 hanggang sa Mayo 1.
Ito ay bilang paprotesta pa rin ng grupo sa nalalapit na April 30 deadline para sa consolidation ng mga prangkisa na isang requirement sa ilalim ng PUV modernization program ng pamahalaan.
Ayon naman sa labor groups na Kilusang Mayo Uno at All Workers Union, makikiisa sila sa Piston at magsasagawa ng sarili nilang protesta sa nasabing 3 araw.
Una na ngang nanindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at si PBBM na hindi na papalawigin pa ang deadline para sa consolidation ng mga prangkisa.
Patuloy namang tinututulan ng Piston at Manibela ang franchise consolidation dahil sa pangamba ng pagkawala ng individual ownership ng jeepney units at prangkisa at ang mahal na presyo ng modernong unit.