Nangako ang grupong Piston ng panibagong mga serye ng pagkilos sa mga susunod na araw bilang pagtutol sa Public Transport Modernization Program.
Ito ay kasunod ng tatlong araw na isinagawang transport stike na nagtapos kahapon, Aug. 16.
Ayon kay Piston head Mody Floranda, hindi titigil ang mga tsuper at operator upang mag-protesta laban sa PTMP sa kabila ng mistulang pagpapatahimik sa kanila.
Maalalang nagka-tensyon sa pagitan ng mga tsuper at operator noong unang araw ng protesta matapos harangan ng pulisya ang tangkang pagmartsa ng mga tsuper at operator sa Espanya Boulevard papuntang Mendiola.
Malinaw din aniya ang posisyon ng Piston ukol sa PTMP. Ayon kay Floranda, kung nais ng pamahalaan na isamoderno ang public transport, hindi dapat inuuna ang pagtanggal sa kabuhayan ng mga tsuper at mga operator.
Dapat aniyang inuuna rito ang pagtatayo ng mga paktorya o pagawaan ng mga modernong sasakyan na magagamit sa naturang programa at hindi lang dedepende sa mga sasakyang nanggaling sa China, Japan, at iba pa.
Katwiran ni Floranda, lalo lamang nawawalan ng kabuhayan ang ginagawang ito ng pamahalaan habang unti-unti na ring pinapatay ang mga lokal na industriya ng sasakyan sa Pilipinas.
Ginawa ng Piston ang Manibela ang naturang protesta kasunod na rin ng pahayag ni PBBM na tuloy ang modernization program sa pampublikong transportasyon sa kabila ng panawagan ng mga Senador na pansamantala itong suspendihin at repasuhin ang implementasyon ng programa.