-- Advertisements --

Kumayod nang husto ang Detroit Pistons upang masungkit ang inaasam-asam na puwesto sa NBA playoffs sa 115-89 panalo nila sa New York Knicks.

Pinamunuan ni Luke Kennard ang hanay ng Pistons na tumipon ng 27 points, maging si Reggie Jackson na may 21 points.

Hindi rin nagpaiwan si Andre Drummond na nagpasabog ng impresibong 20 points at 18 rebounds upang ialay sa Detroit, na makakaharap ang top-seeded Milwaukee Bucks sa unang round.

Nagbuhos ng 14 points si Jackson at si Drummond naman na humugot ng 10 points sa first quarter upang iangat nang husto ang Pistons na hindi rin naghabol ng iskor sa laro.

Napalawig ng Detroit sa 27 ang kanilang abanse sa second quarter at hinawakan ang 65-41 sa halftime.

Tila hindi pa natuwa ang Pistons at lalo pa nilang binanat ang agwat sa 36, at inangkin ang 92-59 lamang sa third quarter.

Kinuha naman ng Detroit ang game-high na 40-point lead, 109-69, tampok ang lay-in ni Zaza Pachulia sa nalalabing 4:31 ng laro.

Sa hanay ng Knicks, nanguna si John Jenkins na nagpasok ng 16 points, Kadeem Allen na nagdagdag ng 13, Henry Ellenson 12, at Mitchell Robinson at Isaiah Hicks na may tig-11.