LEGAZPI CITY – Inihahanda na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bicol ang kaukulang kasong kakaharapin ng pitong naaresto sa tatlong magkakahiwalay na anti-drug raids na isinagawa sa lungsod ng Legazpi.
Sinalakay ng mga operatiba ang isang pinaniniwalaang drug den sa Brgy. Pigcale kung saan inaresto sina Marlon Lovino, 45; at ang mga bisitang sina Ryan Valencia, 33, Rey Estipona, 33; Donald Velasco, 49, at Sammy Andres, 43.
Inaresto rin si Jesus Oro Basallote, 63, sa kaparehong barangay maging si Joya Losanez sa Brgy. Sabang.
Hindi naman naabutan ng mga operatiba sa bahay nito si Ronel Loterte na target pa sana at ang asawa nito ang nadatnan sa bahay.
Subalit nakuha ang pitong sachet ng pinaniniwalaang shabu sa likod ng telebisyon sa bahay.
Aabot sa 40 sachet umano ang nakuha sa mga nasabing suspek na tinatayang aabutin ng P300, 000.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDEA Bicol Director Christian Frivaldo, aminado itong marami pang residente at bumibisita sa lungsod ang pilit na naglulusot ng mga iligal na droga.
Ikinumpara nito ang kalagayan ng lungsod sa mistulang may cancer na kahit gumaling na, hindi pa rin tiyak kung hindi na ulit magkakasakit.
Nangako naman si Frivaldo sa tuloy-tuloy na operasyon.
Naiturn-over na rin ang mga nakumpiskang bagay sa PDEA sa pagsailalim sa laboratory examination at hinihintay na lamang ang resulta.