Nag-withdraw ang pitong senador ng kanilang pirma sa committee report ng Senate Bill No. 1979 o Prevention of Adolescent Pregnancy Bill.
Kabilang sa mga senador na nag-withdraw ng kanilang lagda sa bill ay sina Senators Cynthia Villar, Nancy Binay, JV Ejercito, Christopher “Bong” Go, Jinggoy Estrada, Ramon Bong Revilla Jr. at Loren Legarda
Sa letter na ipinaabot ng pitong senador kay Senate President Francis Chiz Escudero, pinatatanggal nila ang kanilang lagda sa gitna ng mga batikos at pagkabahala sa panukalang batas.
Bagama’t kinikilala daw nila ang maagap na pagtugon sa isyu ng pagtaas ng bilang ng mga batang nabubuntis, kinakailangan pa sa ngayon ng dayalogo sa iba’t ibang stakeholders upang mabura ang maling paniniwala at maalis ang mga hindi katanggap-tanggap na probisyon sa bill.
Sa panayam, sinabi ni Senadora Nancy Binay, nakinig daw siya sa panawagan ng ating mga kababayan dahilan kung bakit siya nag-withdraw ng lagda sa committee report.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, nung nabasa niya ang Senate Bill No. 1979 napansin niya na maraming kwestyunable na nakapaloob sa bill.
Dagdag ng senador, maaari naman daw itong ibalik sa committee level para magkaroon ng pagdinig ukol sa panukalang batas.
Ayon naman kay Senador JV Ejercito, kaya raw siya nag-withdraw sa committee report ay para marepaso at mapag-aralan pa ang panukalang batas.
Nagpaliwanag din sina Senators Ramon Bong Revilla Jr at Cynthia Villar.
Ayon kay Villar, nakinig din daw siya sa panawagan ng iba’t ibang sektor at ng publiko dahilan kung bakit siya nag-withdraw ng lagda sa committee report.
Paliwanag pa nito, silang mga senador ay may responsibilidad na isaalang-alang ang mga pananaw ng iba’t ibang sektor.
Ayon naman kay Revilla, kapakanan ng mga kabataan ang iniisip niya dahilan kung bakit siya nag-withdraw ng lagda sa committee report ng Senate Bill No 1979.
Samantala, nagpaliwanag naman ang nagsusulong ng panukalang batas na si Senadora Risa Hontiveros.
Naiintindihan daw niya ang dahilan ng mga kasamahan niyang senador sa pag-withdraw sa committee report.
Gayunpaman, naghain si HontIveros ng substitute bill kung saan tatanggalin na ang nakalagay na guided by international standards at ilan pang nakapaloob sa bill sa gitna na rin ng pangambang inihain ng iilan.