Ginagawan na ngayon ng paraan ng kampo ni Peter Joemel Advincula ang lahat ng paraan para makapag piyansa ito.
Ayon kay Atty. Larry Gadon, hinihintay na lamang nila ang pera mula sa pamilya bilang pambayad sa kaniyang piyansa na nagkakahalaga ng P10,000.00.
Nitong Martes ay iniharap ni Atty Gadon si Advincula sa media na nasa loob ng CIDG NCR.
Giit nito na walang special treatment na ibinigay ang CIDG para kay Bikoy.
Si Advincula ay nahaharap sa kasong cyber libel na isinampa ng isa sa may-ari ng Misibis Bay na si Zaldy Co.
” Kasi yung kaso nasa Legazpi, we will process the bail procedure’s here and then ipapadala pa yan don sa Legazpi, so it will probably take another day before this things completed, what I understand ay pina process ito ngayon dito pati yung documentation and it will sent to LegaZpi, nagpapa issue lang ito ng certificate of detention dito,” wika ni Atty. Gadon.
Kinumpirma ni Gadon na nakapag-apply na sila sa DOJ para mapasailalim sa witness protection program si Bikoy.
Pero ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra hindi pa nag apply sa WPP si Bikoy.
Sa kabilang dako, inihayag pa ni Gadon na kanila pang pag-iisipan kung magsasampa sila ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.