Nagdesisyon na si PJ Simon na magretiro na sa PBA matapos ang kanyang makulay na 16-taong karera sa Purefoods franchise.
Sa anunsyo nito sa kanyang Instagram account, sinabi ni Simon na ang pagpanaw ng kanyang ama sa Davao kamakailan ang naging hudyat para iwanan na nito ang paglalaro ng basketball.
“Hindi ko inakalang posible pala para sa isang payat at maliit na bata mula sa Makilala, North Cotabato na makarating sa PBA. Hindi ko rin inakala na pagkatapos hindi mapansin nung 2001 PBA Rookie Draft na posible pa pala mag-iwan ng sarili kong marka sa liga. Nakakalungkot man pero ito na siguro yung tamang panahon para magpaalam sa liga,” saad ng 40-anyos na guard.
“Kinailangan kong umuwi ng Davao nung nagkasakit at namatay ang father ko at nahirapan na rin akong makabalik dahil sa pandemya. Sign na rin siguro yun na ito na yung tamang time para magretiro.”
Una rito, pinaplano nang magretiro ni Simon sa pagtatapos sana ng Philippine Cup ngunit naurong dahil sa coronavirus pandemic.
Ang pamunuan ng Magnolia ay nagplano rin na magsagawa ng jersey retirement ceremony noong Mayo 10 sa unang Manila Clasico matchup ng taon ng Hotshots kontra sa Barangay Ginebra.
“Binigay ko yung 17 years ng buhay ko sa PBA, sa Magnolia Hotshots, at sa lahat ng fans but now it’s time to focus on my family. My wife is pregnant and gusto ko magkasama kami as we start a family,” pagpapatuloy nito. “Sobra-sobra ang mga biyayang natanggap ko sa buhay ko especially sa aking PBA career at pinapasalamatan ko ng buong puso ang Panginoon. Naging sandalan ko ang Diyos sa bawat desisyon na aking tinatahak at pinapalangin ko na lagi akong gabayan ng Panginoon sa aking paglalakbay.”
Nagpasalamat si Simon sa Purefoods franchise at San Miguel Corp. head honcho Ramon Ang dahil sa ibinigay nitong tiwala at sa lahat ng fans na walang tigil sa pagsuporta sa kanya at sa koponan.
“Umaasa ako na na magkikita-kita tayo sa panahon na iretiro ang aking numero. This is PJ Simon, The SuperSub, Your Scoring Apostle, signing out,” wika nito.