Kumitil na ng 13 katao ang nangyaring plane crash sa Honduras matapos bumagsak sa dagat habang pa-take off ang maliit na eroplano mula sa isang resort island.
Nitong Martes, Marso 18 local time, narekober na ang labi ng huling nawawalang biktima.
Una rito, umalis ang Lanhsa Airlines plane lulan ang 18 katao noong gabi ng Lunes mula sa Roatan, isa sa pangunahing tourist destination sa Honduras, patungong mainland. Subalit nawalan ng power ang makina ng eroplano na nagresulta sa pag-crash nito sa dagat isang kilometro mula sa pampang.
Lulan ng bumagsak na British-made aircraft ang 15 pasahero, 2 piloto at isang flight attendant kung saan lahat ng nasawi sa trahediya ay Hondurans.
Samantala, ayon kay Transport Minister Octavio Pineda, isa sa kanilang tinitignang sanhi ng insidente ay mechanical failure.
Sa ngayon, nananatiling suspendido ang mga operasyon sa Roatan International Airport alinsunod sa emergency protocol.