NAGA CITY – Binigyang diin ni Vice President Leni Robredo na kailangan munang ayusin ang mga plano at budget ng mga ahensyang nasa ilalim ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Sa pagharap ni Robredo sa mga kagawad ng media, sinabi nito na nakikita niya na kailangang mabigyan ng atensyon ang Department of Interior and Local Government (DILG) dahil ito ang nangangasiwa sa Community Rehab at Department of Health (DOH) na nangunguna naman sa pag-aasikaso ng mga inpatient rehab.
Bukod sa dalawang ahensya, kailangan din aniyang bigyan ng atensyon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), kung saan magkakahalo ang mga inmates na drug related at hindi drug related na nagiging dahilan ng malaking problema.
Ayon pa sa bise presidente, dapat ding alamin kung ano pang mga epektibong pamamaraan ang kailangang gawin para hindi na makalusot ang mga iligal na droga sa bansa.
Sa ngayon, kailangan muna aniyang mabuo ang plano para makita kung sapat ang inilaan na budget para rito.