Suportado ng Department of Agriculture (DA) ang planong ibalik ang awtoridad ng National Food Authority (NFA) na bumili at magbenta ng bigas sa mas murang presyo.
Ginawa ni agriculture ASec. Arnel de Mesa ang pahayag matapos sabihin ni House Speaker Martin Romualdez noong nakalipas na linggo na magpapasa ang kamara ng panukalang batas na magaamyenda sa Rice Tariffication Law na magpapahintulot sa NFA na bumili at magbenta ng bigas.
Sakali man na maaprubahan ang naturang plano, umapela si ASec. De Mesa sa NFA na huwag masyadong mababa ang presyo ng bigas gaya ng P25 kada kilo dahil malaki aniya ang malulugi sa NFA na dahilan din kung bakit umano ipinasa ang RTL. Saad pa ng opisyal na kung ang prevailing price ay nasa P50 kada kilo, inirekomenda nito sa ahensiya na ibenta ng P40 kada kilo ang NFA rice.
Nang matanong naman ang opisyal kung posibleng makabili sa lalong madaling panahon ang mga Pilipino ng P25 kada kilo ng bigas, sinabi ng DA official na nakadepende ito sa kung bababa ang production cost ng bigas.